Welcome

THUNDERBIRD ILOCOS CHALLENGE
June 12 - 15, 2014
Derby Day : June 14, 2014 San Nicolas Cockpit

Kinikilala bilang isa sa mga pinakaprestihiyosong pasabong sa bansa, ang taunang Thunderbird Challenge na nagsimula limang taon na ang nakakaraan ay sabik na hinihintay ng mga sabungero dahil ito lamang ang natatanging labanan na ang bawat sultada ay hindi maaring palampasin at dapat na panoorin.

Unang ginanap sa Isla ng Boracay noong 2010, ang Thunderbird Challenge ay unang nagsilbing pasasalamant ng Thunderbird sa mga endorsers nito sa pagkakagawa ng 45-segundo na Thunderbird Sabongnation television commercial ng taon iyon. Ang unang Challenge ay pinagharian ni Nene Abello.

Dahil sa tagumpay ng unang Challenge, noong 2011 ay nasundan ito ng Thunderbird Palawan Challenge sa pag-iimbita ng noon ay bagong halal na Gobernador na si Baham Mitra. Ginanap ang labanan sa bayan ng Aborlan at ito ay nakopo ni Joey Sy kasama si Pros Antonio.

2012 nang unang dumayo ang Thunderbird Challenge sa Mindanao nang ganapin ang Dakak Challenge na ginanap sa Gallera de Dapitan at nataon naman sa araw ng kapanganakan ni Dr. Jose Rizal na matagal na nanirahan sa bayan ng Dapitan kung saan siya ipinatapon ng mga Kastila. Sa Dakak, nagsalo sa korona si Tol Mariano ng Cotabato at Bernie Tacoy ng Ormoc City.

Bohol naman ang dinayo ng Thunderbird Sabongnation Team noong nakaraang taon sa pakikipagtulungan naman ng bagong halal na Mayor ng Tagbilaran na si Baba Yap. Dahil sa tindi ng kumpetisyon, wala ni isa ang nakakuha ng apat na panalo, na nagresulta sa sampung kampiyon na may tigatlong puntos. Napagkasunduan na wala na munang kukuha ng tropeo na dinesenyo ni Zandro Castrillo at sa halip ay paglabanan na lamang sa taon ito kung sino ang makapag-uwi. Ang mga nagsalo sa kampeonato ay sina Sonny Lagon, Rey Briones, Engr. Sonnie Magtibay, Boy Tanyag, Bebot Monsanto, Pao Malvar, Lawrence Wacnang, Dr. Boy Tuazon, Gov. Baham Mitra at Manny Dalipe/Bentoy Sy. Ang mananalo ng pinakabilis sa kanilang unag laban ang magkakamit ng 2013 Thunderbird Bohol Challenge tropeo.

Matapos makaikot sa Visayas (Boracay), Palawan (Luzon), Dakak (Mindanao) at bumalik sa Visayas (Bohol), ngayon 2014 babalik ang kasayahan sa Luzon sa pamamagitan ng Thunderbird Ilocos Challenge kung saan ang derby ay gaganapin sa San Nicolas Cockpit sa San Nicolas, Ilocos Norte na bayan bago ang Laoag City.

Pagpapalaganap ng sabong at pagpapaunlad ng turismo ang pangunahin layunin ng Thunderbird Challenge at sa bawat taon ay matagumpay na naisusulong ang mga ito. Sa Thunderbird Challenge ay iikutin ang mga magagandang tourist spots sa dalawang lalawigan ng Ilocos Sur at Ilocos Norte, tulad ng mga lumang bahay sa Vigan, ang Paoay Church, ang Bangui Windmills, ang Patapat Bridge, ang Sand Dunes at ang Pagudpud Beach marami pang iba.